“Sa maikling panahong pinadama sa’kin
Ang hindi birong tungkulin
Nasisiyahan mandin
Tunay na pagganap at mga tagubilin.”
Sa pagtatapos ng simulain ko bilang magiging guro, ang mga karanasan ay patuloy na humuhubog sa akin sa nakatalagang misyon para sa kinabukasan.
Ang pinagpalagay kong mahirap na hamon para sa akin bilang isang gurong mag-aaral ay lalong nagpakinang sa pagkatutong aking binaon. Mula sa paaralang noo’y humulma sa pangarap ko ay hindi nabigong maging katuwang ko sa pagtapak tungo sa pagtatapos. Kung aking babalikan ang paglalayag sa mga naging tama’t mali bilang gurong mag-aaral, natutunan kong mahirap man tanggapin ang kamalian, sa huli’y tiyak kong ito’y kalulugdan. Hindi ito kailanman nagiging batayan upang hatulan ang anumang kakulangan. Sa paglalakbay ko sa mundo ng katotohanan, ang mga karaniwang pagkakamali ko’y nagdulot ng mas positibong pananaw. Ang mga simpleng bagay tulad ng pagbuo ng layunin, pagsubok, pagdidisiplina, pagpapanatili ng kalinisan, pagpapahalaga at pagtatanong na ilan sa mga nabanggit at naiwastong kamalian ay nagbigay-kulay upang ako’y mas maging matatag. Ang mga kamalian na nailahad ay hindi ko kailanman itinuring o tinanggap bilang pagkakamali bagkus “pagkatuto”. Naging makabuluhan ang lahat dahil ito’y magiging tuntungan ko upang mapabilang sa ika-21 siglong guro.
Kung may naitama mang gawa ay hindi na mahalaga, ang tanging taang ko lamang ay kahit sa maliit na paraan at kaalaman ay may natutunan sila sa akin. Na may maibabaon sila sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. Marami akong natutunan sa aking mga mag-aaral, sa bawat oras at pagod na ginugol ko’y lalong nagpasidhi sa aking damdamin na nagsasabing sila ang magiging sukatan ko sa pagiging episyente at epektibong guro. Ang pagkatao ko’y may kapangyarihang maimpluwensyahan ang pananaw ng isang bata sa mundo. At naitatak ko rin sa aking isip na layunin kong matuklasan ang likas at iba’t ibang kahusayan at katalinuhan nila. Ang kanilang kamalayan ay magiging susi upang mapaunlad ang mga ito at kanilang maging puhunan sa panawagan ng tagumpay. Hindi ako ideyalistang guro, ako ay isa pa lamang gurong mag-aaral na pumapanig sa mas ikabubuti ng aking mga mag-aaral. Wala pa man akong napapatunayan ngunit isinilang akong may puso ng pagmamalasakit sa pagkatuto ng kabataan. Napakasarap sa pakiramdam na minamahal at pinapahalagahan ka ng mga batang nakikinig at may pag-aasam na matuto sa iyo. Napagagalitan ko man sila’y likas naman nilang nauunawaan.
Namasdan ko ang tunay na kalagayan ng mga mag-aaral, maging ng mga guro sa iba’t ibang sitwasyon, mabuti man o hindi. Hindi ko na iisa-isahin pa ngunit marami akong napagtanto batay sa mga ito. Ang isang gurong may dedikasyon sa kanyang misyon ay may kapangyarihang maiahon ang sinumang mag-aaral na nalulugmok sa dilim ng kanyang pinagdadaanan. Nang nabigyan ako ng pagkakataong makausap ang mga bumagsak na mag-aaral na bahagi ng isinagawang pagsasanay, napatunayan kong hindi naman dahilan ang kahinaan sa asignatura, maraming silang kayang gawin subalit hindi nabibigyang pansin at halaga. Isa lang ito sa mga salik na nakita ko. Sa pakikisama ko pati sa mga guro’y nagpamulat sa akin sa malaking gampanin ko sa paglikha ng lipunan. Oo, hindi kailanman makakayang kontrolin ng guro ang pag-inog ng sangkatauhan subalit kaya niyang baguhin ang isang nilalang na maging huwaran sa lahat ng pagkakataon. Nasasabik akong maranasan ang lahat ng naibahagi ng ilang nakasalamuhang guro. Sa lahat ng iyon ay sisiguraduhin kong hindi ko na uulitin pang muli ang mga nasaksihang kawalang pang-unawa.
Kung pag-uusapan ang ilang karanasang hindi ko makakalimutan ay nang naitalaga ako bilang tagapangasiwang mag-aaral sa opisyal na publikasyon ng paaralang iyon. Noong maganap ang Patiribayan Festival ng 2014, isa ako sa pinagkatiwalaang maging bahagi ng pagpapalimbag ng newsletter tungkol sa nasabing okasyon. Wala akong gaanong karanasan doon ngunit napili ang sinulat ko bilang editoryal. Naranasan ko ring magsulat at magwasto ng mga balita’t lathalain. Napagod ma’t napuyat, naging sulit ang lahat dahil sa aking mga natutunan. Nasundan pa ito nang kinailangan ng makapaglimbag ng taunang isyu ng publikasyon.
Naging bahagi rin ako ng ilang mga aktibidad sa paaralan iyon. Recognition Day, English Day, ilang pagtitipon, tulad ng PTA Meeting, Christmas at Valentine Party. Napili rin ako na mapabilang sa inampalan nang maganap ang buwanang pagtataya sa pinakamalinis na silid at teritoryo noong unang buwan ko bilang gurong mag-aaral. Ang mga nabanggit ay tinulungan akong mas maging responsable at may pakikisama. Ang dalawang katangiang ito’y magbubukas sa akin na maging ganap na indibidwal. Ang Dotoc at Aurora ay dalawang di maitatwang tradisyon na naunawaan ko lang nang maimbitahan kaming makilahok doon. May layunin kung bakit ito isinasagawa, hindi lang basta pagsamba’t pagdasal kundi mas malalim na pagpapakahulugan. Nasilayan ko ang tunay na pananampalataya at pagbabalik-loob ng mga tunay na nakikilahok sa kulturang ito. Natutunan ko ang kabuluhan ng pagpapakumbaba at pagtanggap dahil sa aking mga karanasan.
Sa usapin ng mga aktibidad na may kaugnayan sa proyekto ng aking kolehiyo, ang Pinaggikanan, Gawaing Pagsasanay at Yolanda Project ay nagbigay din pagkakataon sa akin na maging makabuluhang gurong mag-aaral. Ang lahat ng pagsasakripisyo’t pagmamalasakit sa mga mag-aaral ay nagbunga ng kakaibang pakiramdam na hindi matatawaran. Hindi man pinalad na masungkit ang unang parangal ng aking sinanay na mag-aaral ay ipinagmalaki ko pa rin siya dahil sa maikling panahong paghahanda ay pumangalawa pa rin siya Masining na Pagkukwento. Alam ko na ang lahat ay may dahilan. Hindi man ako ang kanyang tagapagsanay, alam kong mananalo siya. Wala palang pagkakaiba sa pakiramdam ng maging kalahok at tagapagsanay, katulad nang muli nanaman akong maiatang na magsanay sa Yolanda Project sa pagsulat ng islogan. Pinalad kaming makuha ang unang parangal. Napakasaya ko noon! Napagtanto ko na bilang isang tagapagsanay, nasa mag-aaral pa rin nakabatay ang lahat. Ang gawain ko lang ay maiparamdam sa bata na may gagabay at magsisilbing liwanag sa punto ng pakikibaka. Sa ganitong paraan ay magaganyak silang pagbutihin at panalunin ang laban. Pana-panahon lang ang lahat. Maaaring matalo sa simula ngunit ang pag-asa’y di magsasawang darating sa buhay ng isang taong hindi sumusuko.
Sa papalapit na pagtatapos, nagagalak akong nalampasan ko ang lahat ng pagsubok. Ang mga masusing banghay-aralin, kagamitang pampagkatuto, pagtatala sa rekord at pag-compute ng marka, pagpapanatili ng kaayusan, pagdebelop at pagpaganda ng silid-aralan, paggawa ng bulletin board, pagbuo ng pagsusulit at talahanayan ng espisipikasyon, pangangasiwa ng pamanahong pagsusulit, gawaing pagsasanay, panukalang proyekto, kagamitang IEC at pananaliksik ay aking napagtagumpayang naisakatuparan sa tulong ng mga taong tunay na maasahan at katuwang ko sa lahat ng ito. Napatunayan kong walang hindi kayang gawin sa nag-aasam ng pagwawagi. Sa malaking tulong ng Poong Maykapal ay nanalig akong makakaya kong lahat. Nawa’y patnubayan Niya ako sa lahat ng pagkakataon upang maipaabot ko’ng lahat ng nais Niyang gawin ko. Ang kapaguran ay nalusaw na’ng lahat, gastos ma’y sa bulsa’y nagpabutas. Basta’t kalinanga’t kakanyahan ko’y mananatili sa Kanyang kamay.
Sa lahat ng ito, nais kong mag-iwan ng ilang pahayag: Ang pakikipagsapalaran at paglalayag sa pabago-bagong sansinukuban ay nangangailangan ng malalim na pang-unawa sa lahat ng kadahilanan, ang pagtanggap at paghagkan sa katotohanan ay nagdudulot ng kaginhawaan.
Nahagkang Katotohanan
Select and Click Photo for Another Reflection
ROMA B. MESOGA
BSE-English
ARVIN V. DELA CRUZ
BSE-EMT
KRIZA ERIN B. BABOR
BSE-Filipino
DANNY BOY C. ALBO
BSE-Physical Science
SHEILA O. ADANTE
BSE-Biological Science